Tuesday, August 25, 2009

Sintaks - Pangungusap

Sintaks - kombinasyon nga mga salita upang makabuo ng mga prase at ang pagsasama-sama ng mga prase upang ito ay makabuo ng pangungusap. Ito ay may dalawang bahagi, linear at hierarchical.


Pangungusap - ay ang kalipunan ng mga salitang nagsasaad ng isang buong diwa. Ito ay may patapos na himig sa dulo na nagsasaad ng diwa o kaisipang nais niyang ipaabot. Ito ay tinatawag na Sentence sa wikang Ingles.


Mga Bahagi ng Pangungusap

Simuno o Paksa (Subject sa wikang Ingles) ang bahaging pinag-uusapan o pinagtutuunan ng pansin sa loob ng pangungusap. Ang paksa o simuno ay maaaring gumaganap ng kilos o pinagtutuunan ng diwang isinasaad sa pandiwa at ganapan ng kilos ng pandiwa.

Panaguri (Predicate sa wikang Ingles) ang bahagi ng pangungusap na nagbibigay ng kaalaman o impormasyon tungkol sa paksa. Ito ay naglalahad ng mga bagay hinggil sa simuno.

Halimbawa: Siya ay maganda.
Siya - simuno
maganda - panaguri


Uri ng pangungusap ayon sa gamit

1. Pasalaysay (Declarative sentence) - o ang tinatawag din na paturol. Ito ay pangungusap na nagsasalaysay at nagtatapos sa isang tuldok (.).

2. Patanong (Interrogative sentence) - ito ay pangungusap na nagtatanong at nagtatapos ito sa tandang pananong (?).

3. Pautos (Imperative sentence) – kung ang pangungusap ay nag-uutos at Pakiusap naman kung ito ay nakikiusap. Parating may kasamang mga salitang paki o kung maaari ang nakikiusap na pangungusap. Parehong nagtatapos sa tuldok ang pautos at pakiusap (.).

4. Padamdam (Exclamatory sentence) - ito ay pangungusap na nagsasaad ng matinding damdamin at nagtatapos ito sa tandang padamdam (!).
Mga Kayarian ng Pangungusap
Payak - ito nagsasaad ng isang diwa at nagtataglay lamang ng iisang sugnay na makapag-iisa.


Tambalan - Ito ay binubuo ng dalawang payak na pangungusap


Hugnayan - Ito ay binubuo ng isang sugnay na makapag-iisa at isa o higit pang sugnay na di-makapag-iisa.


Langkapan - Ito ay binubuo ng dalawa o higit pang sugnay na makapagiisa at isa o higit pang sugnay na hindi makapagiisa.


Mga Kayarian ng Payak na Pangungusap

- Payak na Simuno at Payak na Panaguri
Halimbawa: Si Lorna ay maganda.

- Tambalang Simuno at Payak na Panaguri
Halimbawa: Si Lorna at Maria ay magaganda.

- Payak na Simuno at Tambalang Panaguri
Halimbawa: Si Lorna ay mabait at maganda.

- Tambalang Simuno at Tambalang Panaguri
Halimbawa: Si Lorna at Maria ay mababait at magaganda.

- Isang sambita na may patapos na himig sa dulo
Halimbawa: Umuulan! ; Sunog!